Ang munting bayan ng Calintaan sa timog-kanlurang bahagi ng Occidental Mindoro ay binubuo ng pitong barangay, kung saan apat sa mga ito ay matatagpuan malapit sa baybaying dagat--dahilan kung bakit pangingisda ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng karamihan. Mula sa mga matitibay na bakawan sa dalampasigan hanggang sa mga makukulay na bahura na nagsisilbing tahanan ng mga isda, tunay na lubos ang biyaya ng dagat sa Calintaan.
Sa lugar na sagana sa likas na yamang-dagat tulad ng nasabing bayan, napakahalaga ang pagkakaroon ng isang institusyong gagabay at mag-aakay sa mga mangingisda tungo sa mas maayos, mas makabago, at mas napapanatiling paraan ng pangingisda. Dito pumapasok ang Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) ng Calintaan—ang sandigan ng mga mangingisdang Calintaanon sa paglayag. Sa kanilang tulong, natututo ang kumunidad hindi lang manghuli ng isda, kundi mag-alaga; hindi lang mabuhay, kundi umunlad habang pinangangalagaan ang yamang-dagat na bumubuhay sa kanila.
Kauna-unahan sa probinsya ng Occidental Mindoro, ang FARMC ng bayan ng Calintaan ay itinatag noong 1995 bilang plataporma ng pagkakaisa at koordinasyon sa pagitan ng mga mangingisda at lokal na pamahalaan. Mula noon ay nakatutok na ito sa pagpapaunlad sa sektor ng pangisdaan ng bayan sa pamamagitan ng pagbigay ng tulong, gabay, at kaalaman sa mga residenteng maangingisda. Sa loob ng halos tatlong dekada, nanatiling matatag ang kanilang misyon: protektahan ang karagatan at tiyakin na ang biyayang dulot nito ay mararanasan pa ng susunod na henerasyon.
Ang FARMC ay binubuo ng mga miyembro na karamihan ay mga mangingisda. Sa pangunguna ni G. Alfonso A. Ero, ang kasalukuyang tagapamuno ng FARMC at isa ring mangingisda, naging mas organisado at aktibo ang organisasyon. Bukod sa pagiging tulay sa pagitan ng mga mangingisda, NGOs, at mga ahensiya ng pamahalaan, ang FARMC rin ay katuwang sa pagbuo ng Municipal Fishery Development Plan (MFDP), kung saan sila ay nagbibigay ng teknikal na payo at mahalagang datos sa lokal na pamahalaan upang makagawa ng mga estratehiyang tumutugon sa pangangalaga ng karagatan. Kanilang isinasagawa ang mga pagpupulong, konsultasyon, at pagsasanay upang patuloy na mapahusay ang iba’t ibang mga programa, mula sa pangangalaga ng kalikasan at yamang-dagat hanggang sa iba’t ibang mga aktibidad upang suportahan ang mahigit 2,400 na mga mangingisda ng bayan.
Pagpapanumbalik ng Buhay sa Karagatan
Aktibong nakikiisa ang organisasyon sa pangangalaga ng karagatan sa pamamagitan ng pangunguna sa iba’t ibang mga aktibidad katulad ng pagtanim ng mga bakawan. Noong Oktubre 11, 2024, nagsagawa ang FARMC ng mangrove planting, kung saan sila ay nagtanim ng 1,000 propagules na may 80% survival rate. Bukod sa dagdag na tirahan ng mga isda, nakatutulong ito laban sa soil erosion at storm surges. Katuwang din sila mula sa pangangalaga at pagprotekta sa mga itlog ng pawikan, hanggang sa mga coastal clean-up drives na layuning labanan ang polusyon at mapanatili ang kalidad ng tubig. Kasabay nito, mahigpit ang kanilang patrolya laban sa illegal, unreported, at unregulated (IUU) fishing katuwang ang Philippine Coast Guard at PNP. Dahil dito, mas ligtas at mas maayos na ang pangingisda sa kanilang baybayin.
Pagpapalakas ng Kaalaman at Kakayahan
Hindi lang kalikasan ang pinapangalagaan ng MFARMC, kundi pati ang kaalaman at kakayahan ng mga mangingisda. Sa tulong ng mga katuwang na ahensya tulad ng BFAR, WWF Philippines, USAID, at mga akademikong institusyon, regular silang nagsasagawa ng mga training at workshop sa larangan ng disaster preparedness, law enforcement, at sustainable fishing. Sa ganitong paraan, napalalakas nila ang leadership, data management, at environmental governance ng mga lokal na lider at miyembro—isang hakbang patungo sa mas matatag na pamayanan.
Kaagapay sa Kabuhayan at Kaunlaran
Sa tulong ng sustainable livelihood programs, natutulungan ang mga mangingisda na umunlad sa eco-friendly na paraan, mula sa paggamit ng alternatibong fishing gear hanggang sa paglinang ng aquaculture at habitat restoration. Ang mga proyektong ito ay hindi lang nagbibigay ng mas mataas na kita, kundi nagtuturo rin ng pangalawang kabuhayan at tamang paggamit ng likas na yaman. Sa bawat hakbang, mas nagiging matatag ang mga pamilya sa baybayin at mas nagiging maalam sa konserbasyon.
Mga Parangal at Pagkilala
Kinilala ang Calintaan FARMC sa kanilang natatanging ambag sa pangangalaga ng yamang-dagat at pagpapaunlad ng sustainable fisheries. Tumanggap sila ng iba’t ibang parangal mula sa WWF Philippines at sa lokal na pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang mga programa laban sa labis na pangingisda, pagkasira ng tirahan ng mga isda, at polusyon. Kabilang dito ang rehabilitasyon ng mga mangrove, coral reef, at seagrass beds. Ang mga pagkilalang ito ay patunay ng kanilang malasakit, pagtutulungan, at epektibong pamumuno sa pagpapanatili ng balanseng kalikasan at kabuhayan para sa mga mangingisda ng Calintaan.
Isang Halimbawa ng Katatagan at Inspirasyon
Ang tagumpay ng MFARMC ay patunay na kapag nagkaisa ang komunidad, pamahalaan, at pribadong sektor, posible ang tunay na pagbabago. Gaano man kalakas ang alon ng hamon, mula sa mga sakuna hanggang sa mga kalamidad, nananatiling matatag ang mga mangingisdang Calintaanon. Ngayon, kinikilala ang Calintaan MFARMC bilang isa sa mga pinakamahusay na Fisheries and Aquatic Resources Management Councils, at isang karapat-dapat na nominado sa Gawad Saka 2025. Sa kanilang patuloy na pagkakaisa at malasakit sa kalikasan, patunay ang MFARMC Calintaan na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa parangal, kundi sa bawat mangingisdang natutulungan at patuloy na nabubuhay at umaangat dahil sa biyayang hatid ng dagat.