News and Events

P3.7M na halaga ng feeds, ipinamahagi ng DA-SAAD sa mga nag-aalaga ng baboy at manok sa MIMAROPA

P3.7M na halaga ng feeds, ipinamahagi ng DA-SAAD sa mga nag-aalaga ng baboy at manok sa MIMAROPA

Umabot sa 1,800 sako ng iba't ibang uri ng feeds na nagkakahalaga ng P3,769,369.10 ang ipinamahagi ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) sa 30 samahan ng mga magsasaka sa MIMAROPA mula ika-16 hanggang ika-26 ng Mayo.


Bahagi ito ng patuloy na suporta ng programa upang matulungan ang mga benepisyaryong nag-aalaga ng baboy at manok na mabawasan ang gastusin sa produksyon, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng komersyal na feeds na isa sa pangunahing gastusin sa paghahayupan.


Kabilang sa mga ipinamahagi ang booster, starter, grower, at layer feeds para sa produksyon ng manok; starter, grower, at laying mash para sa pag-aalaga ng itik; at pre-starter, starter, lactating, breeder, at grower feeds para naman sa mga baboy.


Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 24 na samahan ang may poultry enterprise—23 sa pag-aalaga ng manok at isa (1) sa pag-aalaga ng itik—habang anim (6) na asosasyon naman ang may babuyan.


Ayon kay DA MIMAROPA Regional Executive Director at SAAD MIMAROPA Regional Focal Person Atty. Christoper R. Bañas, inaasahang makatutulong ang nasabing interbensyon upang mapanatili at mapalakas ng mga samahan ang kanilang mga proyektong pangkabuhayan, mapataas ang produksyon, at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng karne at itlog sa kanilang mga komunidad.


“Malaking hamon sa mga nag-aalaga ng mga manok at baboy ang mataas na presyo ng feeds. Inaasahan natin na ang mga interbensyong ito mula sa SAAD Program ay makatutulong upang mabawasan ang kanilang gastos at maipagpatuloy ng bawat samahan ang kanilang kabuhayan,” ani RED Bañas.


Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryong magsasaka sa natanggap na tulong, lalo na ang mga nasa mga malalayo at islang komunidad kung saan mas mataas ang gastos sa pagbili at pagbiyahe ng feeds mula sa mga pangunahing pamilihan.


“Sa ngalan ng RLFLA, kami po ay lubos na nagpapasalamat sa pamunuan ng SAAD sa walang sawang pagbibigay ng suporta sa aming association. Malaking tulong po ang feeds para mabawasan ang gastos namin at mapataas ang kita sa RTL,” ani Victor V. Cacal, pangulo ng Rizal-Lucbuan Farmers Livelihood Association sa bayan ng Magsaysay, Palawan, na nasa Cuyo Island.


Ngayong taon, naglaan ang SAAD MIMAROPA ng P8,392,235.50 para sa pagbili at pamamahagi ng kabuuang 4,004 na sako ng feeds at inaasahang matatapos ang delivery ng mga ito hanggang sa buwan ng Oktubre.