Bumida ang mga sari-saring gulay na inani mula sa Gulayan sa Bayan, isang programa sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture, sa isinagawang feeding program para sa 30 estudyante ng kindergarten sa San Antonio Elementary School sa bayan ng Victoria, Oriental Mindoro ngayong ika-1 ng Hulyo.
Ang mga ipinakaing gulay ay bagong pitas mula sa taniman na pinamamahalaan ng San Antonio Farmers and Nurserymen Association (SAFNA), sa pamumuno ng kanilang presidente na si Frederick Patulot. Mula sa pag-aani ng mga sariwang pananim hanggang sa paghahanda ng masustansyang pagkain, tulong-tulong ang mga miyembro ng SAFNA upang matiyak na de-kalidad ang pagkaing ibibigay sa mga bata.
Ayon kay President Patulot, bukod sa feeding program ay may iba pa silang tinutulungan gamit ang kanilang mga produkto.
“Bukod sa feeding program, ipinamamahagi rin po namin ang aming mga inaning gulay sa mga miyembro ng 4Ps, sa mga paaralan, at sa buong barangay,” pahayag ni Patulot.
Ipinangako rin ng samahan na sila ay magtutulong-tulong upang mas mapaunlad pa ang proyekto para sa mas maraming benepisyaryo ang makikinabang dito.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month, sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA High Value Crops Development Program (HVCDP). Kaugnay nito, nagkaloob din si Agricultural Technician II Ralph Chester Burgos mula sa HVCDP ng mga bagong butong pananim at organic fertilizer upang patuloy na mapayaman ang produksyon ng gulay sa komunidad.