Success Stories

Sa kabila ng pandemya, 4H-er tumaas ang kita dahil sa agribusiness
Si Ricmel habang minomitor ang kanyang mga tanim. Ang Aspire farm na pgmamay-ari niya ay magsisilbing isang farm school kalaunan. Larawan ng Aspire Farm

Sa kabila ng pandemya, 4H-er tumaas ang kita dahil sa agribusiness

Marami tayong naririnig na hindi magandang epekto ng pandemya na nagaganap ngayon sa buong mundo. Isa na rito ang mga nawalan ng trabaho at hindi na makabili ng kanilang pangangailangan. Ngunit, sa kabilang banda, may mga sektor na hindi gaanong naapektuhan bagkus ay mas gumanda pa ang kanilang buhay dahil sa demand sa kanilang produkto at ito ang sektor ng Agrikultura. Ito ang kwento ni G. Ricmel Falqueza ng Odiongan, Romblon.

BAGO MAGKAROON NG PANDEMYA

Si Ricmel Falqueza o “Ric”, 30 taong gulang, ay isang miyembro ng National youth Parliament 12, 4H Federation National President, 4H Regional President (MiMaRoPa Region) at Secondary Principal sa Colegio de Tablas na matatagpuan sa Brgy. Mayha, Odiongan, Romblon. Bilang isang tao na maraming kinabibilangang organisasyon, mahirap ngunit ginagawan niya ng paraan ang kanyang pamamahala sa kanyang gulayan.

Bago dumating ang pandemya, ang buhay ni  Ric ay umiikot araw-araw sa kanyang pagpunta sa kanyang farm at sa paaralan. Mula ika-6 hanggang ika-8 ng umaga, siya ay nasa farm at matapos nito papasok na siya sa paaralan upang gampanan ang kanyang pagiging principal. Pagsapit ng hapon, matapos ang pasok sa paaralan, bumabalik siya sa kanyang farm upang i-monitor ang kanyang mga tanim.

Noong mga panahong iyon, hati ang kanyang atensyon sa kanyang farm dahil kailangang gampanin niya ang pagiging principal at 4H national President. “hindi madali ang aking mga ginagawa kaya nagiging 50/50 ang atensyon ko sa school at farm”, Aniya.

PAGPASOK SA AGRI-BUSINESS

Bukod sa pagkakaroon ng kaalaman sa agrikultura, ang mga pinsan at kabigan din ni Ric na kapwa miyembro rin ng 4H ang tumulong sa kanya upang mapaganda ang kanyang farm. Dahil dito, hindi masyadong nahirapan si Ricmel sa pagsasaayos ng kanyang farm.

Dahil sa murang edad ay namulat sa pamumuhay sa kabukiran, hindi naalis sa isip ni Ricmel na pasukin ang agrikultura. Kaya naman nang mabigyan siya ng pagkakataong makapasok sa isang Seminar ng Agricultural Training Institure (ATI) noong 2018, naging interesado siya dahil sa isang paksa ng ahensya patungkol sa Agribusiness. Nang mapakinggan ni Ricmel ang maaring kitain ang sa pagtatatanim ng gulay ay naging layunin na niya na magtayo ng isang Farm school bukod pa sa kanyang farm.  

Sa kanyang pagsisimula sa kanyang farm, humingi siya ng mga binhi sa Department of Agriculture MiMaRoPa na pinagunahan nina Ms. Hazel Gardoce at Marieta Setias na tumulong sa kanya upang magkaroon ng panimulang tanim para sa kanyang farm. Si Ricmel ay nakatanggap ng tig-10 pakete ng mga gulay tulad ng pipino, sitaw, kalabasa, upo, at iba pang gulay na pampakbet.

Nang makatanggap na siya ng mga binhi ay naghanap siya ng lupang marerentahan upang pagsimulan ng kanyang pananim. Ito ay may laking 1.3 ektarya ngunit halos isang ektarya lamang ang nagagamit para sa pagtatanim.

Nung simula ay naging maayos na ang kanyang pamamahala sa kanyang farm. Salamat sa mga kaibigan at pinsan niyang mga katulong niya na nagtatanim ng mga gulay. “Malaking pasasalamat ko po sa DA Regional dahil sa mga bigay nila sa akin na gulay dahil dito ay nasimulan ko ang mtagal ko nang pinapangarap na farm kaya naman pinangalanan ko itong Aspire Agritech na associated sa salitang “dream””, dagdag pa niya.

MGA NAIPUNDAR SA PAGSASAKA

Sa kanyang pagtatanim, naging maganda ang kita ni Ric. Nakapagpatayo na siya ng learning hall para sa paggawa ng kanyang farm bilang Farm School na pinaplano niya sa hinaharap. Nakabili na din siya ng mga gamit sa agrikultura gaya ng, mga traktora, grass cutter, at iba pang mga mahahalagang kailangan sa pagsasaka.

MERKADO NG KANYANG MGA PRODUKTO

Sa kasalukuyan, ang mga produkto ng Aspire Farm ay nakararating sa mga isla sa lalawigan ng Romblon. pag may natira at may mga kausap na siya sa palengke kung saan sila ay nagsusuplay ng mga gulay. At yung lalabis pa ilalako na alng sa mga bahay-bahay upang maubos.

Bukod pa riyan, gumagamit na rin siya ng social media gaya ng facebook upang mas marami ang makakita ng kanilang produktong gulay at mas makilala rin ang kanyang farm.  

PLANO SA HINAHARAP

Dahil sa mga natutunan ni Ricmel sa mga seminar na pinuntahan niya sa ATI ay nagpaplano din siyang i-convert ang kanyang farm bilang isang farm school. Kanya itong unti-unting binubuo upang pagdating na pag-aaplika niya sa ATI at TESDA ay madali na siyang makapapasa sa aplikasyon.

Bilang isang 4H club national President at Magsasaka, nagpapasalamat si Ricmel sa mga tumulong sa kanya sa pagsisimula ng kanyang farm lalung-lalo na sa mga staff ng DA. “Gusto ko pasalamatan ang mga taong naging instrument para makapagsimula una ang ang aming dating PA, Relly Diokno, sa DA para ma-pursue ko po ang aking farming.  Kasi almost 5years ko po pinlano parang wala lang tapos dumating sa oras na may mga taong ginamit sila kaya nagpapasalamat talaga ako dahil sila yung nagbigay simula dahil sa mga butong binigay nila sa akin.”

Dagdag pa niya sa mensahe sa mga kapwa niya magsasaka “‘Wag silang humintong magtanim dahil sa lahat ng industry ay bagsak ngayon at agriculture na lang ang matibay. Wag mawalan ng pag-asa. Tuluy-tuloy lang at laging magbigay utang na loob sa mga taong naging kabahagi ng pagtatanim mo. So sa lahat ng farmers alam ko mahirap magismula ang kailangan yung perseverance. Sabi nga,  yung best fertilizer tlaga ay yung hindi yung complete ureas but the farmer himself.” Wika ni Ric.

Sa kasalukyan, patuloy pa din sa operasyon ang farm ni Ricmel. Bagaman madaming kalaban ngayon tulad ng panahon at kompetisyon sa ibang mga nagbebenta ng gulay, sinisikap niyang mapagada pa lalo at maparami ang kaniyang mga tanim upang mas umangat ang kanyang buhay at maipatayo ang kanyang pinapangarap na Farm school sa paglipas ng mga taon.

Si Ricmel ay isa lamang sa mga kabataan na naging miyembro ng 4H na naisabuhay ang kanyang mga natutunan sa kanyang mga training at seminars na napuntahan. Sa ngayon, kanyang tinatamasa ang kanyang mga pinaghirapan sa kanyang napiling larangan—ang AGRIKULTURA.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.