News and Events

P49-milyong halaga ng subsidiya para sa abono ng mga magsasaka pinapamigay na sa Palawan
Pamimigay ng Notice of Reimbursement sa mga magsasaka ng Taytay, Palawan noong Oktubre 13 kasama ang mga validator at ibang empleyado ng Kagawaran ng Pagsasaka sa ilalim ng Rice Program. Larawan mula kay Dan Caybyab, Rice Program- Palawan, DA-MIMAROPA.

P49-milyong halaga ng subsidiya para sa abono ng mga magsasaka pinapamigay na sa Palawan

Nagsimula ng ipamigay ng Kagawaran ng Pagsasaka ang P49-milyong halaga ng subsidiya sa abono para sa mga magsasaka ng Palawan nitong Oktubre 12. Ang proyektong ay kasama sa Rice Resiliency Program ng ahensiya.

Sa kasalukuyan, mahigit P13 milyong piso na ang nailabas na pera ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mahigit 5 libong magsasaka mula sa mga bayan ng Roxas, San Vicente, Brooke’s Point, Narra, Sofronio Española, Aborlan, Araceli, Quezon, Taytay, at Puerto Princesa City sa probinsiya.

Ang subsidiya ay kanilang kinukuha sa pamamagitan ng isang Notice of Reimbursement (NOR) na naglalaman ng kanilang buong pangalan, reference number, at kaukulang halaga ng reimbursement na pinapakita nila sa tanggapan ng M.Lhuiller kasama ang kanilang valid ID.

Nakabase ang halaga ng reimbursement ng bawat magsasaka depende sa klase ng palay na kanilang itinanim at laki ng ektarya na kanilang pinagtaniman. Kung sila ay nagtanim ng ng inbred rice sa isang ektaryang lupa na may kaukulang gamit na dalawang sakong abono, sila  ay makakatanggap ng nagkakahalaga sa isang sakong abono o 50% ng kanilang ginastos sa pagbili nito. Kapag hybrid seeds naman ang kanilang ginamit, makakatanggap sila ng 60% halaga ng kanilang ginastos sa abono.

Ang makakatanggap ng subsidiya ay ang mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA at nakapagbigay ng kanilang resibo sa Tanggapan ng  Pambayanang Agrikultor o Municipal Agriculture Office bilang patunay ng kanilang mga biniling abono.

Ito naman ay pinagpasalamat ng mga magsasakang nakatanggap katulad nila Imelda Maravillas at Vicente Barade na parehong nagtanim ng hybrid seeds sa San Vicente, Palawan.

“Nagpapasalamat po ako sa ayudang  natanggap sa panahon na ito dahil kahit papaano makakatulong ito sa pagsasaka namin, “ ayon kay Maravillas na nakatanggap ng P4,149.00 para sa ginastos niya sa abono sa kanyang  apat (4) na hektarayang palayan.

Katulad ni Maravillas, nagpasalamat din si Barade sa kanyang natanggap na subsidiya mula sa Kagawaran.

“Malaking tulong na po ito dahil makakadagdag na rin ito sa pangkosumo namin. Kung hindi kami nakakuha ng tulong sa amin pa rin ang lahat ng gastos (sa pagsasaka), “ pahiwatig ni Barade na nakatanggap ng  P2,074.00 para sa ginamit niyang abono sa kanyang isang (1) hektrayang lupa.

Ang proyektong ito ay kasama sa Ahon Lahat Pagkain Sapat Kontra COVID-19 o ALPAS-COVID 19 na naglalayon na maitaas ang kasampatan sa pagkain ng bansa sa pamamagitan ng pang-angat ng produksiyon ng bigas bilang  sagot sa nakaambang  kakulangan sa pagkain dala ng epekto ng kasalukuyang pandemya.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pamimigay ng NOR ng Kagawaran ng Pagsasaka hanggang sa maubos ang nasambit na nakalaan na pera at nakalistang mga magsasakang makakatanggap ng subsidiya.

Binase ang mga nakakatanggap ng subsidiya sa abono sa listahan ng mga nakatanggap ng subsidiya sa binhi sa ilalim din ng RRP.

 

Para sa mga katanungan:

Engr. Ma. Teresa Carido
Rice Resiliency Program Coordinator
Department of Agriculture-MIMAROPA
+639391157833
Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.